Cauayan City, Isabela- Pinaalalahanan ng Highway Patrol Group (HPG) na nakabase sa Lungsod ng Cauayan ang mga magnanais bumili ng second hand na sasakyan o motorsiklo lalo na sa panahon ng pandemya.
Sa eksklusibong panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Rey Sales, Provincial Officer ng HPG Isabela, batid aniya nila na dumami sa panahon ngayon ang mga bumibili ng segunda manong behikulo na hindi naman sinusuri ng mabuti.
Ayon kay PMaj Sales, para hindi mabiktima ng mga kinarnap na sasakyan o motorsiklo, kinakailangang suriing mabuti kung mayroon itong kumpletong papeles upang matiyak na ang bibilhin ay hindi karnap.
Alamin aniya kung wala itong balanse o utang sa bangko at kung bayad na sa may-aring kumpanya upang maiwasan ang anumang aberya.
Dapat din aniyang i-check sa tanggapan ng HPG kung malinis ang record kinakailangan lamang na kunin ang plate, engine, chasis number para magsilbing basehan ng magsusuri.
Para naman sa mga nakabili ng carnap na sasakyan o motorsiklo ay huwag mag-atubiling idulog sa tanggapan ng HPG upang maimbestigahan at mapanagot ang sinumang responsable.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Maj Sales na maaaring mapanagot ang mismong nakabili ng karnap na sasakyan kaya’t mainam aniya na magkaroon ng kaalaman ang mga tumatangkilik ng second hand na pang transportasyon.
Isa naman aniya ito sa kanilang pinagkakaabalahan na bigyan ng kaalaman ang publiko kaugnay sa Anti-Carnapping Act at Anti-Fencing Law upang makaiwas sa panloloko.
Sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan ang mga kasapi ng HPG sa Lungsod sa mga nabawing sasakyan o motorsiklo mula sa mga karnaper upang maibalik at maipasakamay na sa mga may-aring kumpanya.