Mga bumubuo sa IATF at NTF Against COVID-19, hiniling na sibakin na

Nanawagan ang Makabayan Bloc sa Kamara na sibakin ang mga bumubuo sa Inter-Agency Task Force (IATF) at National Task Force (NTF) against COVID-19.

Partikular na pinatatanggal sa pwesto ng mga ito si Health Sec. Francisco Duque III, Interior Sec. Eduardo Año, Defense Sec. Delfin Lorenzana at NTF Chief Implementer Carlito Galvez Jr.

Giit ng mga bumubuo sa Makabayan, tulad sa mga naunang mahigpit na pagpapatupad ng community quarantine ay mababalewala lamang din ang pagsasailalim sa National Capital Region (NCR) sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil hindi naman eksperto ang mga ito sa public health, medisina at siyensya.


Anila, lubhang nakakabahala na ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa na pumapalo na sa mahigit 100,000 kaso at humigit kumulang 5,000 ang nadagdag simula kahapon.

Muling nanawagan ang Makabayan sa dagdag na pag-hire ng mga health workers na may sapat na sahod at iba pang benepisyo gayundin ang proteksyon sa kanilang trabaho, libreng mass testing, dagdag na testing at quarantine facilities, sapat na gamot, at ayuda sa lahat ng mga apektadong sektor.

Facebook Comments