Mga bungo at kalansay ng tao, patuloy na nakukuha sa Taal Lake —DOJ

Patuloy na nakakakuha ng mga kalansay ng tao ang Philippine Coast Guard (PCG) sa Taal Lake.

Sa gitna ito ng paghahanap ng mga awtoridad sa labi ng mga sabungero na sinasabing itinapon sa lawa ilang taon na ang nakalipas.

Sa ambush interview, kinumpirma ni Asec. Mico Clavano, tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ), na may mga nakukuha pang mga buto ng tao mula sa Taal Lake ngayong linggo.

Sasailalim aniya ang mga narekober na buto sa DNA testing upang matukoy ang pagkakakilanlan.

Samantala, sinabi rin ni Clavano na nakapag-isyu na ng subpoena sa nasa 60 indibidwal na dawit sa kaso kabilang na ang gaming tycoon na si Charlie “Atong” Ang at Gretchen Barretto.

Para naman sa magkapatid na Elakim at Julie Patidongan o “Alyas Totoy”, sinabi ni Clavano na dapat mapasama rin sila sa sisilbihan ng subpoena para maging state witness.

Facebook Comments