Tumaas ang bilang ng mga buntis at mga batang nahahawaan ng human immunodeficiency virus (HIV).
Ayon kay Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, 610 na mga buntis at 236 na mga batang sampung taon pababa ang mayroong HIV sa bansa.
Batay sa impormasyon ng National HIV/AIDS Registry, sa 610 na mga buntis na na-diagnose na HIV positive, 52% o 310 cases ang edad 15 hanggang 24 anyos, habang 41% o 248 cases naman ang mga 25 hanggang 34 anyos.
Ang isang ina na may HIV ay may 15 hanggang 45% tyansa na maipasa ang impeksyon sa anak habang ito ay ipinagbubuntis, nanganak at sa breastfeeding.
Sa 236 naman na mga batang nagka-HIV, ang impeksyon ay nakuha sa “mother-to-child transmission”.
Naunang ibinabala ng mambabatas na dahil sa pagkaantala sa ilang mga health service bunsod ng COVID-19 pandemic, posibleng makapagtala ang bansa ng surge o biglang pagtaas ng HIV infections lalo na sa kalagitnaan ng taon.