Hindi mababakunahan ng COVID-19 vaccine ang mga buntis, breastfeeding mothers at bata na 16 anyos pababa.
Ito ang inihayag ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor kasunod ng inaasahang paglobo ng bilang ng mga nabubuntis dahil sa ipinatupad na mahigpit na lockdown at sa ginawang pag-aaral sa na-develop na bakuna laban sa COVID-19 ng Pfizer Inc. at BioNTech SE na ngayon ay sinimulan na sa Estados Unidos, United Kingdom at Canada.
Lumalabas sa isinagawang comprehensive review sa Emergency Use Authorizations (EUAs) na inisyu ng pharmaceutical regulators sa tatlong bansa na hindi ito maaaring iturok sa mga kabataang may edad na mas mababa sa 16 na taong gulang.
Mahigpit ding ibinabala at hindi inirerekomenda ang pagbabakuna ng COVID-19 vaccine sa mga buntis at mga inang nagpapasuso.
Nanawagan si Defensor na Vice Chairman ng Committee on Health sa Kamara, na magkaroon din ng kaparehong rekomendasyon ang ating Food and Drug Administration (FDA) sa oras na makakuha na ng EUA ang nasabing bakuna sa bansa.
Dagdag ni Defensor, kailangan pa kasing ma-establish muna ang safety at efficacy ng bakuna at isailalim ito sa clinical trials upang matiyak na magiging ligtas ito para sa mga buntis at mga bata.