Mga bus, pinaiiwas munang bumiyahe sa Bicol region dahil sa dami ng mga stranded na sasakyan sa Matnog Port

Pinayuhan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga bus na hangga’t maaari ay iwasan muna ang pagbiyahe sa Bicol region dahil sa mahabang pila ng mga stranded na sasakyan sa Matnog Port.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Transportation Sec. Jaime Bautista, na aabot na sa halos 30-kilometro ang pila ng mga sasakyan sa Matnog Port sa Sorsogon na na-stranded sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Kristine.

Sa tala ng DOTr, 100 pantalan ang naapektuhan ng bagyo kung saan aabot sa halos ₱100 million ang naging pinsala sa mga pantalan.


Patuloy naman aniyang nakikipag-ugnayan ang DOTr sa mga awtoridad para mapadali ang pagbiyahe ng mga RoRo vessels papuntang Allen, Northern Samar, lalo’t inaasahan pa ang dagsa mga biyahero para sa Undas.

Kaugnay nito, naglabas na aniya ng memorandum ang Land Transportation Office (LTO) sa mga bus operators para huwag munang bumiyahe sa Bicol region, lalo ang mga papuntang Matnog Port dahil mahaba pa rin ang pila ng mga stranded na pasahero at sasakyan.

Para sa mga uuwing Visayas, maaari aniyang sumakay sa Batangas Port dahil may mga biyahe doon papuntang Mindoro at Panay.

Facebook Comments