Nagsagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal ang Dagupan City Police Office (DCPO) kahapon, Marso 31, bilang bahagi ng pinaigting na seguridad para sa Semana Santa at Ligtas SUMVAC 2026.
Ayon kay DCPO City Director PCOL Arnold P. Solomon, inilatag ang Police Assistance Desks at police personnel deployment sa mga terminal upang matiyak ang kaligtasan ng publiko ngayong Semana Santa.
Inaasahang dadagsain ng mga pasaherong babalik sa kanilang probinsya o bibisita sa mga lugar ng debosyon ang bus terminals ngayong Holy Week.
Kaugnay nito, tinatayang umaabot sa humigit-kumulang 2,500 pulis at force multipliers ang ide-deploy sa buong rehiyon sa mga simbahan, transport terminals at mga pangunahing destinasyon ng mga turista.
Ito ay bahagi rin ng Ligtas SUMVAC 2026 na isinasagawa mula Marso 29 hanggang Mayo 31, kung saan pinaiigting ang police visibility at assistance operations. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










