Tatlong araw bago sumapit ang Pasko, ramdam na sa mga bus terminal sa Dagupan City ang pagdami ng mga biyaherong pauwi at palabas ng lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa pamunuan ng mga terminal, higit doble na ang bilang ng mga pasaherong bumibiyahe kumpara sa mga karaniwang araw.
Tulad ng pamilya ni Margarita Ferrer mula sa Urbiztondo, pinili nilang bumiyahe nang mas maaga patungong Baguio upang maiwasan ang mas matinding siksikan na inaasahang mararanasan sa mga susunod na araw.
Ayon naman sa terminal master ng isang bus station sa lungsod, tuloy-tuloy ang biyahe ng kanilang mga unit upang matugunan ang patuloy na pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Siniguro rin ng pamunuan ng bus station na may sapat na pahinga ang mga driver upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga biyahero sa bawat biyahe.
Samantala, nakapwesto na rin ang mga police assistance desk malapit sa mga bus terminal upang tiyakin ang seguridad at agarang pagtugon sa anumang insidente.
Inaasahan ng mga awtoridad na magpapatuloy ang pagdagsa ng mga biyahero hanggang bisperas ng Pasko at posibleng umabot pa hanggang sa unang linggo ng Enero. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









