Tiniyak ng mga bus companies sa Dagupan City na nakahanda na ang mga terminal, mula sa mga personnel at pampublikong sasakyan, sa posibleng pagdagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Terminal Master Michael Agbuya, patuloy na tumatalima ang kanilang terminal sa itinakdang regulasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office bago pa ang anumang okasyon.
Dumadaan din sa pre-departure inspection ang lahat ng bumibyaheng bus para maiwasan ang aberya sa sasakyan habang nasa byahe.
Nasa 10-15 minuto naman ang interval ng bawat biyahe upang maiwasan ang siksikan sa terminal.
Dagdag pa rito, may mga naka-standby namang mekaniko sa daan ang ibang bus company na aalalay sa mga posibleng sira.
Sa magkaibang panayam, saad ng mga opisyal na nasa mahigit 250 bus na nasa Dagupan City ang babyahe ngayong Undas.
Paalala ng mga opisyal sa mga byahero, maaaring gamitin ang online booking upang maiwasan ang mahabang pila sa mga ticket booth.
Inaasahan naman na magsisimulang dumagsa ang mga pasahero sa mga terminal sa Oktubre 30 para sa mga magsisiuwi at Nobyembre 2 sa mga pabalik na byahe.








