Bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Christmas 2024, nagsagawa ng inspeksyon ang Land Transportation Office (LTO) Region 1 sa iba’t ibang bus terminals sa rehiyon upang tiyakin ang kaligtasan at kahandaan ng pampublikong transportasyon ngayong holiday season.
Kabilang sa mga lugar na tinungo ng LTO ang mga lungsod ng Dagupan, Lingayen, Batac, Laoag, pati na rin ang mga bayan ng Rosario at San Fernando sa La Union.
Ayon sa LTO Region 1, layunin ng inspeksyon na matiyak ang maayos na kondisyon ng mga bus at maiwasan ang anumang aberya sa biyahe, lalo na’t dagsa ang mga pasahero sa panahon ng kapaskuhan.
Bukod sa inspeksyon, nagtayo rin ang mga district offices ng LTO ng mga help desks upang agad na matulungan ang mga nangangailangan ng tulong. Mahigpit din ang monitoring ng ahensya sa mga pangunahing kalsada, partikular sa mga papunta sa mga tourist destinations, upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko.
Hinihikayat ng LTO ang mga pasahero at motorista na makipagtulungan at sumunod sa mga regulasyon upang masiguro ang ligtas at maginhawang biyahe ngayong kapaskuhan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨