Mga butong nakuha sa Taal Lake, wala pang nagma-match sa DNA samples ng mga kaanak ng missing sabungero

Inamin ni Philippine National Police o PNP Forensic Group Director Police Brig. Gen. Danilo Bacas na wala pang nagma-match sa mga butong nakuha sa Taal Lake sa DNA samples ng mga kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.

Sa briefing sa House Committee on Human Rights ay sinabi ni Bacas na umabot na sa 401 ang mga buto ng tao na nakuha sa ilalim ng Taal Lake kung saan 163 samples ang naisailalim na sa DNA testing at 45 dito ang may resulta na.

Binanggit ni Bacas na 29 lamang sa 34 pamilya ng mga nawawalang sabungero ang nakapag-sumite ng kanilang DNA samples at walang nagmatch o tumugma dito.

Diin naman ni Banac, patuloy pa rin ang kanilang pagsusuri.

Sabi naman ni Justice Assistant Secretary Eliseo Cruz, ang inisyal na resulta ng nagpapatuloy na DNA testing ay hindi makakapagpahina sa kanilang imbestigasyon dahil mayroon pang mahigit 300 samples ang kanilang isasailalim sa DNA testing.

Isiniwalat din ni Cruz na hindi lahat ng kamag-anak ng missing sabungeros ay nakikipagtulungan dahil ang iba ay nagpabayad na umano.

Facebook Comments