Mga buwanang pension ng mga senior citizen, iniabot na direkta sa kani-kanilang bahay sa Brgy. San Juan, Cainta, Rizal

Inihayag ngayon ni Barangay Captain Normita N. Felix ng Barangay San Juan, Cainta, Rizal na nagbahay-bahay na sila para personal na iaabot sa mga senior citizen ang kanilang buwanang pension upang hindi na lumabas ang nakatatanda sa kani-kanilang bahay at maiwasan na rin na mahawaan ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Kapitana Felix, pag-deklara agad ng Enhance Community Quarantine (ECQ) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nagsagawa sila ng mahigpit lockdown sa buong Barangay San Juan upang matiyak na hindi mahahawaan ang mga residente partikular na ang mga senior citizen.

Paliwanag ni Barangay Captain Felix na tuwing sasapit ang alas-5 ng hapon ay sabay-sabay silang namigay ng mga pagkain sa kahabaan ng floodway ng Brgy. San Juan.


Giit ng opisyal ng barangay na hanggang ngayon isang buwan na ang lockdown ay tuluy-tuloy pa rin ang kanilang pamamahagi ng ayuda sa mga nangangailangan dahil sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.

Nagpaabot naman ng pasalamat ang Kapitana Felix kay Mayor Kit Nieto gayundin sa mga indibidwal na walang sawang tumulong sa kanyang barangay para mabigyan ng ayuda at pagkain ang kanyang ka-barangay dahil sa krisis na dulot ng COVID-19.

Facebook Comments