Mga byahero ng karne at gulay, dapat maproteksyunan laban sa kotong at mataas na toll

Pinapakilos ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of Transportation (DOTr), at Philippine National Police (PNP).

Ito ay para tiyakin ang proteksyon ng mga byahero ng gulay at karne laban sa kotong at mataas na toll na pawang dagdag gastos sa kanilang hanay.

Pangunahing tinukoy ni Recto ang mga pop-up o random checkpoints ng mga local at national agencies na nakakaantala sa byahe ng mga produkto o nagagamit para gatasan ang mga byahero.


Binanggit ni Recto na kadalasan ay pinapara ang mga byahero para lang usisain kung madumi ang plaka o tambutso at hingan ng multa o kaya naman aniya ay para hanapan ng quarantine permit kahit dadaan lang naman sila sa lugar patungo sa destinasyon.

Dagdag pa ni Recto, napakalaking abala sa mga byahero ng mga gulay at karne kung iisyuhan sila ng citation ticket na kailangan muna nilang asikasuhin kahit malayo ang kanilang pinanggalingan at malayo rin ang pagdadalhan ng dalang mga produkto.

Sa tingin ni Recto, sa harap ng mataas na presyo ng pagkain ay makakatulong kung iisyuhan ang mga byahero ng karne ng gulay ng season pass at bibigyan ng pandemic discount sa toll fee.

Facebook Comments