Mga car dealers na bigong makapag-isyu ng plaka sa mga motorista sa loob ng 11 araw, kakastiguhin ng LTO

Padadalhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang mga car dealers na bigong makapagbigay ng plaka sa mga may-ari ng sasakyan sa tamang oras.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni LTO Chief Vigor Mendoza na binibigyan lamang ng 11 araw na palugit ang mga car dealer para ibigay ang plaka at OR/CR sa mga motorista.

Bukod dito, iniimbestigahan na rin ng LTO kung may pagkukulang din sa kanilang mga tauhan kung bakit hindi naibibigay on time ang mga plaka.


Posibleng ipasara ang mga car dealer at sibakin sa pwesto ang mga LTO personnel kung mapapatunayang hindi nito ginawa ang trabaho para mailabas agad ang plaka.

Sa kasalukuyan ay nag-iikot na aniya ang kanilang enforcers at pinapara ang mga sasakyang nakikitaan ng temporary plates.

Nasa 100 car dealers na rin ang nasilbihan ng show cause order ng LTO matapos na bigong makapag-isyu ng plaka sa mga motorista.

Facebook Comments