Nagsampa na ng kasong kriminal ang Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) laban sa consolidators at deconsolidators na nag-abandona sa mahigit 7,000 balikbayan boxes mula sa mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon sa BOC, kabilang sa mga kinasuhan ay ang All Win Cargo LLC, Island Kabayan Express Cargo, Carlos Martin Dito Company, GM Multiservices at Anhar Almauala Trading.
Kabilang din dito ang apat na deconsolidators na CGM International Cargo Services, cargo Flex Haulers Corporation at SVG Forwarders Island Logistic Incorporated at Edmar International Logistics.
Nananawagan ang BOC sa mga OFW na naging biktima ng mga nabanggit na kompanya na makipag-ugnayan sa kanila upang pagtibayin ang kaso.
Pinaaalalahanan din ng ahensya ang mga OFW na maging maingat sa pagpili ng forwarding companies na gagamitin sa pagpapadala ng balikbayan boxes ngayong holiday season.