Mga Cebuano, naging overconfident kaya lumobo ang kaso ng COVID-19

Tila naging overconfident at complacent ang mga Cebuano kung kaya’t sumipa sa higit 4,000 ang kaso ng COVID-19 sa siyudad.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ito rin ang naging obserbasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya’t itinalaga nito si Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu para pamunuan ang government response sa COVID-19 sa Cebu City.

Sinabi ni Roque, Cebuano rin ang Pangulo kung kaya’t alam nito ang ugali ng mga taga-Cebu na masayahin at sociable pero naging pabaya at hindi sumunod sa mga ipinatutupad na quarantine measures na nagresulta sa paglobo ng kaso ng COVID-19 doon.


Payo ng kalihim sa mga Cebuano, magtiis muna at manatili sa tahanan kung hindi naman importante ang lakad at tularan ang pangulo na nanatili sa Bahay Pagbabago sa loob ng 67 araw at tiyak na hindi na kakalat pa ang virus.

Matatandaang isinailalim muli sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Cebu City magmula June 15 hanggang June 30, 2020 habang pasok sa Modified ECQ ang Talisay City.

Facebook Comments