Isinusulong sa Senado na mabigyan ng P1 million ang mga centenarians na aabot ng 101 taong gulang.
Sa Senate Bill 1951 na inihain ni Senator Risa Hontiveros, pinaaamyendahan ang Republic Act 10868 o ang “Centenarians Act of 2016”.
Bukod sa P100,000 cash gift na matatanggap ng mga Pilipinong aabot sa edad na 100 taong gulang, isiningit din dito ang probisyon na mabigyan ng P1 million ang mga lolo at lola na hahantong sa 101 years old.
Maliban dito, isisingit din ang isang bagong probisyon sa batas na kumikilala naman sa mga octogenarians at nonagenarians.
Nakasaad sa panukala na ang mga octogenarians o mga Pilipinong aabot ng 80 at 85 taong gulang at ang mga nonagenarians o mga Pilipinong magdiriwang ng 90 at 95 taong kaarawan ay makakatanggap ng liham ng pagkilala at pagbati mula sa pangulo at P25,000.
Ang National Commission of Senior Citizens ang siyang magpapatupad sa mga probisyon ng panukala sa oras na ito ay maging ganap na batas.
Bukod sa pagkilala sa naging kontribusyon nila sa bansa noong kalakasan pa, layon ng panukala na makatulong ang cash gift na ito sa mga pangangailangan ng mga senior citizens tulad ng gamot at pagkain at mahikayat ang mga lolo at lola na ipagpatuloy ang pagkakaroon ng produktibong pamumuhay.