Hindi pa rin natitinag ang nasa 48 Chinese fishing vessels sa Iroquois Reef.
Ito ang sinabi ni Commander Ariel Joseph Coloma PIO Chief ng AFP Western Command kung saan hindi aniya umaalis ang mga sasakyang pandagat ng China na nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.
Aniya, hindi nila alam ang pakay ng mga Chinese vessel pero nakaangkla ang mga ito ngunit wala namang fishing activities.
Namataan ang mga ito matapos ang isinagawang air patrol ng Philippine Navy sa lugar simula noong Pebrero kung saan dumami nang dumami ang mga Chinese militia vessel.
Maliban dito, namo-monitor din nila ang pagtaas ng presensya ng Chinese maritime assets sa Sabina Shoal.
Kasunod nito, pinaigting ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang pagpapatrolya sa lugar.
Ani Coloma, mayroong mga barko ang AFP, PCG, BFAR at Philippine Navy sa West Philippine Sea upang itaguyod ang ating karapatan.
Hindi rin aniya sila papatinag lalo na’t kinikilala at tinatanggap sa buong mundo ang arbitral ruling ng United Nations Convention on Law of the Sea na pumapabor sa Pilipinas.
Nabatid na ang Iroquois Reef ay matatagpuan sa timog ng Recto Bank kung saan mayaman ito sa langis at gas.