Nabatid ni Senator Richard Gordon na may mga Pilipinong ginagamit ang mga Chinese Nationals para magbitbit ng milyun-milyong dolyar na salapi papasok ng bansa.
Sabi ni Gordon, base sa record ng Bureau of Customs ay may walong Pilipino mula sa Singapore ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA terminal 1 noong Pebrero 4, 5, 11 at 12.
Ayon kay Gordon, may dala ang walong pinoy na kabuuang 28-million dollars na kanila umanong gagamitin sa casino.
Sa impormasyon ni Gordon, ang tatlo sa mga ito ay magkakasabay pang dumating sa isang araw at umaabot sa 13-milyong dolyar na salapi ang kanilang dala laman ng kanilang mga luggage.
Diin ni Gordon, bukod pa ito sa 60 Chinese nationals na magkakahiwalay na dumating sa bansa simula noong december 2019 hanggang ngayong Pebrero na may kabuuang 180 million dollars na bitbit.