Itinataboy na ng Department of National Defense (DND) ang mga Chinese vessel na patuloy na nananatili sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Defense Spokesperson Director Arsenio Andolong matapos ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na kinakailangan daw ihinto ng Pilipinas ang ginagawang maritime patrol sa disputed area.
Ayon kay Andolong, walang karapatan ang China na pagsabihan ang Pilipinas kung ano ang mga dapat gawin sa karagatang sakop ng bansa.
Aniya mayroon nang arbitral award at nakasaad dito na walang batayan ang China para angkinin ang tinatawag na nine dash line sa West Philippine Sea.
Kaya naman dapat na aniyang umalis ang mga barko ng China sa West Philippine Sea, dahil hindi aniya titigil ang mga tropa ng gobyerno sa pagpapatrolya sa lugar para ito protektahan.