Iginiit ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez sa China na utusan ang Navy nito at Coast Guard at iba pang militia vessels na umalis sa karagatang sakop ng 200-mile exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.
Hirit ito ni Rodriguez makaraang umalis na ang research ship ng China at iba nitong barko sa karagatang sakop ng EEZ ng Vietnam.
Nangyari ito sa gitna ng nagaganap sa Beijing na high-level talks sa pagitan ng mga opisyal ng China at United States.
Diin ni Rodriguez, kung umalis na sila sa EEZ ng Vietnam ay dapat umalis na rin sila sa EEZ ng bansa.
Binanggit ni Rodriguez ang report ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong nakaraang buwan na nasa 100 Chinese Coast Guard at militia ang nananatili sa Ayungin Shoal at Juan Felipe Reef na kapwa pasok sa ating EEZ.
Kaugnay nito ay pinuri naman ni Rodriguez ang aniya’y matapang na pahayag ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na kung ano ang sa Pilipinas ay sa Pilipinas lamang.