Hinimok ng Malacañan ang mga Chinese national na nakaranas ng abuso habang nagtatrabaho sa mga casino sa bansa na maghain ng reklamo upang magawan ng aksyon ng gobyerno.
Base sa pahayag ng Chinese embassy, ang mga pasaporte ng illegal Chinese workers ay kinukumpiska ng mga Pilipinong employer.
Ang ilan sa kanilang kababayan ay nakaranas ng extortion, physical abuse at torture.
Nababahala rin ang Chinese embassy sa plano ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na ilipat ang Chinese online gambling workers sa mga self-contained communities o hubs.
Binigyang diin nila na paglabag ito sa basic legal rights ng Chinese citizens.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo – kailangang mag-file sila ng formal complaint para maidulog agad ito sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.
Siniguro ng Palasyo na hindi kinukunsinte ng gobyerno ang anumang pang-abuso sa mga dayuhan sa bansa mula sa ating mga kababayan.