Wala na munang Christmas party para sa lahat ng tanggapan at departamento ng pamahalaang lokal ng Quezon City.
Ito ang inilabas na kautusan ngayon ni Mayor Joy Belmonte.
Ayon kay Belmonte, hindi magandang tingnan na nagdiriwang ang mga taga-city hall habang maraming mga residente ng lungsod ang naghihirap dahil sa pandemya.
Sa halip na magsagawa ng selebrasyon, hinikayat ni Belmonte ang lahat na ibigay bilang donasyon ang pondo sa mga higit na nangangailangan.
Dapat aniyang magbigay na lamang ng tulong o pagkain sa urban poor, displaced workers, jeepney drivers, street vendors, indigent children at mahihirap na senior citizens.
Pinayuhan ni Belmonte ang city hall employees na gawing simple ang pagdiriwang ng pasko sa piling ng kani-kanilang mga pamilya at kaibigan.