Inirekomenda ni Deputy Minority Leader at Marikina Representative Bayani Fernando na gamitin ang mga silid-aralan na quarantine facilities para sa mga asymptomatic at mild cases ng COVID-19.
Tinukoy ni Fernando ang isang pag-aaral sa South Korea kung saan lumalabas na mas malaki ang tyansang mahawa ang isang tao ng Coronavirus Disease mula sa mga kasama nito sa bahay kumpara ang maka-contact ng sakit sa labas ng tahanan.
Sa proposal ng kongresista, 1:1 o isang classroom ang ipagagamit sa bawat isang asymptomatic o mild COVID-19 case upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Ginawa ng kongresista ang mungkahi dahil natatakot din ang mga tao na pumunta sa mga ospital at quarantine facilities bunsod ng pangamba na doon pa mas lumala ang sakit.
Dahil din dito, kaya mas pinipili ng mga tao na sa bahay na lamang mag-quarantine ngunit nauuwi lamang din sa pagkahawa sa impeksyon ng ibang miyembro ng pamilya.
Iginiit pa ni Fernando na dapat iprayoridad muna ang paggamit sa mga classroom bilang quarantine facilities lalo pa’t hindi mainam na gawin ngayon ang face-to-face classes matapos na sabihin ito ni Pangulng Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA).