Pinaiimbentaryo ng isang kongresista ang lahat ng available na cold chain logistics solutions kabilang ang pagmamay-ari ng mga pribadong korporasyon na maaaring magamit sa pagbiyahe ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Deputy Speaker at Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, kailangan ang malawak na storage assets mula sa temperature-controlled refrigerated trucking services hanggang sa sapat na supplies ng dry ice para sa pagbabakuna ng unang batch ng 35 milyong Pilipino.
Malaking hamon aniya ang logistics dito lalo’t dalawang beses na tuturukan ang bawat isa na may pagitang 19 hanggang 42 araw.
Sinabi ng kongresista na bagama’t sinasabing 95% na epektibo ang most promising na COVID-19 vaccine, kailangan itong iimbak sa may napakababang temperatura na puno ng dry ice.
Sa idinisenyong distribution containers ng Pfizer, maaaring itago ang bakuna sa may -70 degrees Celsius na temperatura para sa 10 araw kung hindi bubuksan.