Mga colorum na taxi, naglipana na naman sa NAIA

Kinumpirma ng ilang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) insiders ang paglipana na naman ng mga colorum na taxi sa NAIA 3.

Bukod pa anila ito sa paglipana rin ng illegal porters sa NAIA 1.

Ayon sa mga tumangging magpakilalang mga tauhan ng Manila International Airport Authority (MIAA), ilan sa mga colorum na taxi sa paliparan ay hawak ng mga tiwaling tauhan ng Airport Police Department (APD).


Nagtataka rin ang mga kawani ng NAIA kung bakit hinahayaan lamang ng airport authorities na makapasok sa MIAA parking ang mga outsiders na sumasalubong at nanghihingi ng pera sa mga balikbayan.

Umapela rin sila sa Transportation Department at sa pamunuan ng MIAA na linisin ang paligid ng paliparan lalo na ngayong pumasok na ang Ber-months kung saan inaasahang dadagsa ang maraming turista sa Pilipinas.

Una nang nag-viral ang video ng ilang balikbayan kung saan sila ay sinasalubong ng outsiders at pinipilit na magbigay ng pera o kahit na anong currency.

Facebook Comments