Obligado na ang mga commercial carriers na isumite ng maaga sa Bureau of Immigration (BI) ang kanilang passengers information bago pa makarating ang mga ito sa bansa.
Ito ay matapos maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order (EO) No. 122 na nag-oobliga sa pag-adopt at implementayson ng Advance Passenger Information o API system para sa pagpapalakas ng border control sa bansa.
Ang API system ay isang electronic communications system na kokolekta sa data ng mga pasahero, crew, at non-crew members mula sa passports, travel documents, at iba pang detalye na ibibigay ng commercial carriers.
Maaari naman ang BI na magsagawa ng security vetting ng API base sa kanilang database kung kakailanganin sa pamamagitan ng non-law enforcement databases, alinsunod sa International Criminal Police Organization, United Nations Security Council sanctions, and travel bans.
Nakapaloob din sa EO na hindi pa rin lusot sa physical inspection ang mga pasahero sa mga ports of entry o departure area sa bansa.