Mga computer shops sa Pangasinan mahigpit na babantayan ng PNP kontra child porno

Lingayen Pangasinan – Huwag ng pagtakahan umano na sa darating na mga araw mapapadalas ang pagdalaw ng mga kapulisan sa computer shops sa lalawigan. Ito ay parte kasi ng mas pinaigting na kampanya ng PNP Pangasinan sa pagsugpo ng cybercrimes na may mataas na kaso sa Pangasinan.

Partikular na tututukan ng kanilang Anti-cybercrime Division ay ang mataas na kaso ng child pornography kung saan ito ang nangungunang cybercrime sa lalawigan ayon sa Region 1 Anti-cybercrime Group at edad 10 hanggang 15 anyos ang madalas na biktima.

Inatasan ni Acting Provincial Director PCol. Redrico Maranan ang kapulisan na paigtingin ang pagroronda partikular na sa mga computer shops na madalas puntahan ng mga kabataan. Ayon pa kay Maranan palalakasin nila ang kanilang intelligence monitoring sa mga computer shops maging sa mga may private internet connections upang masiguro na walang makakalusot na kriminal na nambibiktima ng mga kabataan.


Samantala Pangasinan ang may pinakamaraming populasyon sa buong region 1 kaya hindi na nakakapagtakang makakuha ito ng mataas na bilang ng mga biktima at dahil narin umano sa pagkakaroon ng may pinakamaraming computer shop businesses sa buong lalawigan. Ngunit hindi umano ito dahilan upang isawalang bahala na ang problema ng Pangasinan pagdating sa cybercrime cases.

Facebook Comments