Nagpaabot ng papuri at pagsaludo si Labor Secretary Silvestre “Bebot” Bello III sa mga construction at manufacturing workers na dapat umanong ikonsidera din bilang mga frontliners dahil sa kanilang malaking naiaambag upang lumago at makabangon ang ating ekonomiya.
Ginawa ni Bello ang pahayag matapos mabakunahan ang mahigit 1,000 mga manggagawa na tumanggap ng kanilang first dose ng COVID-19 vaccine mula sa halos kalahating milyong doses ng special allocation upang mabilis na mabuksan ang ating ekonomiya.
Paliwanag ng kalihim, ang ekonomiya umano ay hindi uusad kung walang tulong at suporta ng mga construction at manufacturing workers kaya’t nararapat lamang na pahalagahan at ikonsiderang mga frontliners at ibilang sa A1 Category ang mga manggagawa.
Ang special vaccination program ay nasa ilalim ng National Employment Recovery Strategy (NERS) Task Force na pinamumunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE); at katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI), Department of Tourism (DOT) at iba pang sangay ng gobyerno, private sectors at Non-government Organization (NGO).