Hinikayat ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang mga skilled worker na piliin ang lokal na trabaho sa construction industry at suportahan ang implementasyon ng programang “Build, Build, Build” ng pamahalaan sa halip na dumayo pa sa ibang bansa.
Paliwanag ni Secretary Bello III ang pagbabawas ng 90 porsiyento sa pagde-deploy ng construction worker ay hindi paraan upang pigilan silang magtrabaho sa ibang bansa, kundi upang ipabatid sa kanila na may pangangailangan ng manggagawa para sa local construction sector.
Sabi ng kalihim na may 800,000 hanggang isang milyong skilled worker sa construction, architecture, at engineering ang kailangan hanggang 2022 upang tugunan ang kakulangan sa manggagawa para sa pag-unlad ng construction ng ating bansa.
Paliwanag ni Bello na minamadali na ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang pagbibigay ng pagsasanay at pagtataas ng kasanayan ng mga manggagawa upang tugunan ang problema sa job at skills mismatch, na isa sa dahilan kung bakit hindi napupunan ang mga bakanteng trabaho sa construction.