Inihayag ng samahan ng mga brokers sa bansa na apektado ang mga consumers dahil sa naiiipit na container deposit nila na ilang buwan ng hindi ibinabalik ng mga shipping lines company.
Sa isinagawang media forum sa Maynila, inihayag ni Danny Sta. Maria na siyang representative ng mga brokers at importers na naipapatong sa mga consumers ang mga produkto na ini-import sa bansa dahil sa iniipit na container deposit na sana ay nagagamit para mapaikot ang puhunan.
Aniya, dapat ay tatlong araw lamang ang itatagal para maibalik ang deposito pero inaabot na ito ng hanggang tatlong buwan o higit pa bago makuha ang pera.
Ilang tanggapan na ng pamahalaan tulad ng Maritime Industry Authority (MARINA), Philippine Ports Authority (PPA) at Bureau of Customs (BOC) ang kanilang nilapitan pero pawang ang mga ito ay inihayag na wala silang hurisdiksyon sa maling sistema ng shipping lines.
Bukod dito, inaalmahan rin nila ang umanoy ilang tauhan ng Customs na tumatanggap ng lagay para mailabas ang mga kargamento kaya’t doble ang kanilang gastos.
Kaugnay nito,nanamawagan ang kanilang hanay sa Kongreso na gumawa sana ng aksyon at magkaroon ng batas para maibalik ang naibayad na container deposit at matukoy na rin kung anong ahensiya o departamento ng pamahalaan ang dapat humawak dito.