Pinag-iingat ni Senate Majority Leader Francis “Tol” Tolentino ang mga consumers sa pagbili at pagkunsumo ng mga isda at shellfish na hinuli sa karagatang apektado ng oil spill ng lumubog na MT Terranova sa Limay, Bataan.
Paalala ni Tolentino sa mga consumers, kailangan ng extra na pag-iingat sa pagbili at maging sa pagkain ng isda at iba pang laman-dagat na posibleng galing sa coastal areas na apektado ng oil spill.
Aniya, kailangang linising mabuti ang mga produkto o kaya naman ay tuluyang iwasan para sa kalusugan at kaligtasan na rin ng mga tao.
Kasalukuyan nagsasagawa ang Philippine Coast Guard (PCG) ng kanilang siphoning operations o pagsipsip sa langis na nasa motor tanker upang maiwasan ang malalang pinsala sa karagatan.
Marami na rin sa mga leak ng barko ang natapalan na ng PCG kaya nabawasan din ang pagtagas sa karagatan at inaasahang tatagal pa ng lima hanggang pitong araw bago tuluyang maalis ang langis sa barko.