Mga contractual at casual employee sa pamahalaan, pinabibigyan ng karampatang sahod tuwing holidays

Itinutulak sa Senado na mabigyan na rin ng ‘holiday pay’ ang mga contractual at casual employees sa gobyerno na nagtatrabaho tuwing special public at local holidays.

Tinukoy ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na malaking bahagi ng mga empleyado sa pamahalaan ay kung hindi contractual ay casual worker.

Karaniwan din aniya na ang mga ito ay nasa frontline ng paghahatid ng social services sa publiko at itinuturing na backbone ng karamihan sa mga ahensya ng pamahalaan.


Sa Senate Bill 1506 na inihain ni Revilla, gagawing entitled na sa kabayaran na katumbas ng kanilang arawang sahod ang lahat ng mga contractual at casual employees sa gobyerno na magtatrabaho sa araw ng holiday.

Kapag naisabatas, ang pondo para sa ‘holiday pay’ ng mga contractual at casual workers ay manggagaling sa ahensya kung saan employed o nagtatrabaho ang isang empleyado.

Punto pa ni Revilla, dahil pareho rin namang nararanasan ng mga contractual at casual employees sa pamahalaan ang pagtaas ng mga bilihin at serbisyo sa bansa, nararapat lamang na mabigyan din ang mga ito ng kaparehong benepisyo tulad sa mga ‘tenured’ na empleyado ng gobyerno.

Facebook Comments