Pinapasiyasat ni TUCP Partylist Rep. Raymond Mendoza sa Kamara ang sitwasyon ng mga health worker sa gobyerno na hanggang ngayon ay nananatili pa ring kontraktwal.
Kasabay ng panawagan ng imbestigasyon ang pagkalampag ng kongresista sa Civil Service Commission (CSC) patungkol sa “employment status” ng humigit-kumulang 13,000 na job order workers na nagta-trabaho sa mga medical institutions ng pamahalaan sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, itinutulak ng Vice Chairman ng House Committee on Civil Service and Professional Regulation na masilip ang kondisyon ng mga contractual government health workers na hanggang ngayon ay wala man lamang “security of tenure.”
Ipinasasabay rin ni Mendoza ang pagsilip ng Kongreso sa pagkaantala sa distribusyon ng hazard pay sa naturang mga healthcare worker.
Samu’t sari na rin aniya ang mga problemang hinarap ng mga healthcare worker tulad na lamang ng understaffing, overtime, kakulangan sa mga PPE at pati ang seguridad sa trabaho.
Nakakahiya aniya na palaging hiling sa mga health worker at mga manggagawa na magsakripisyo at magserbisyo ngayong may pandemya ngunit hindi naman maibigay ng pamahalaan ang nararapat na tulong at benepisyo para sa kanila.