Hindi muna pababain ang mga crew at mga foreign passengers na sakay ng mga barko na dumaan ng Hongkong at dadaong dito sa Pilipinas.
Ito ay bilang bahagi ng preventive measures na ipinapatupad ng pamahalaan para hindi makapasok sa bansa ang 2019-nCoV.
Pero paglilinaw ni Grifton Medina, Chief ng Port Operation Division – Bureau of Immigration (BI), maaari pa din bumaba ang mga pilipinong pasahero subalit sasailalim sila sa 14-day quarantine.
Bukod dito, maaari din daw pababain ang ibang foreigner na may resident visa pero susuriin sila ng mga tauhan ng Bureau of Quarantine (BQ).
Patuloy din na magbabantay at magmomonitor ang kanilang tauhan kung saan palagian silang makikipag-ugnayan sa BQ para masigurong hindi na lalaganap pa ang nCoV.
Samantala, sinabi ni medina na nasa maayos na kalagayan ang immigration officer na nakaharap ng dalawang magkasintahang chinese na nagpositibo sa nCoV.
Aniya, isinailalim din nila sa quarantine ang naturang immigration officer at kahit na wala itong nakikitang sintomas ay hindi muna ito pinapasok sa trabaho.