Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian, ang pag-o-obliga sa mga critical infrastructure ng gobyerno at pribadong sektor na magkaroon ng cybersecurity expert.
Nakapaloob ito sa Senate Bill 2066 ni Gatchalian, kung saan tinukoy na ang pagkakaroon ng cybersecurity expert ay makakatulong para sa pagtiyak sa kaligtasan ng cyberspace ng publiko at ng mga mahahalagang institusyon.
Partikular na tinukoy na critical infrastructure ang mga public utility tulad ng telekomunikasyon, kuryente, tubig, transportasyon, gayundin ang mga bangko, health institutions, at broadcast media.
Ayon kay Gatchalian, sa kasalukuyan ay limitado lamang sa mga IT Team ang mayroon ang mga tanggapan ng gobyerno at pribadong sektor na ang kayang gawin ay magkabit o magayos ng pang-araw-araw na internet activities pero kulang dahil hindi eksperto sa cybersecurity.
Sa ilalim ng panukala, ay ipinatatakda ang minimum standard ng cybersecurity at pinalilikha ang bawat critical infrastructure ng computer emergency response team na agad mag-uulat ng hacking at cyberattacks.
Kinakailangan din na mabigyan ng makatuwirang budget ang ahensya para sa sapat na pagpapasweldo sa mga kukuning cybersecurity expert dahil kadalasang umaatras ang mga ito kapag nakitang maliit ang alok na sahod sa gobyerno.