Isasailalim sa swab test at rapid test ang lahat ng mga dadalo sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa virtual briefing ng Mababang Kapulungan, kasama ang mga miyembro ng media para sa SONA, sinabi ni Deputy Secretary Gen. Dr. Ramon Ricardo Roque na sa Linggo, July 26, 2020, ay isasailalim sa PCR test mula alas-8:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng hapon ang lahat ng Cabinet Members, Kongresista, Senador, mga staff at empleyado na papasok sa Session Hall ng Kamara.
Sa Lunes, July 27, 2020, sa mismong araw ng SONA ng Pangulo ay isasailalim ulit sa rapid test ang mga bisita at staff mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali.
Ililimita naman sa 50 ang mga papasok sa loob ng plenaryo kasama na rito ang mga mambabatas, ang RTVM at mga staff pero ikinukunsidera na itaas pa ang numero sa 125 dahil malawak naman ang loob ng Session Hall ng Kamara.
Tulad ng nakagawian ay magbubukas ang second regular session ng alas-10:00 ng umaga para mag-convene ang dalawang kapulungan at alas-4:00 naman ng hapon ang SONA.
Bukod sa mga nakalatag na security measures, idinagdag din ngayon sa SONA ang health protocols tulad ng paglalagay ng alcohol, sanitizer at footwear mat disinfection sa mga entrance ng lahat ng gusali sa Batasan Complex, pag-disinfect sa loob ng plenaryo ng umaga at sa hapon, health screening tulad ng temperature check, pagsusuot ng mask at face shield at floor markings na 6-feet apart.
Samantala, bawal ang media sa loob ng plenaryo at tanging ang state-owned broadcast station na RTVM ang siyang paghuhugutan ng mga media network ng mga mangyayari sa loob ng SONA.