Nagtutulungan na ngayon ang DOTr Railways Sector, i-ACT, MMDA at LTFRB para makapag dispatch ng P2P bus para saluhin ang mga pasahero na ibinaba sa mga train stations.
Maraming pasahero ang nasa kalsada pa ngayon matapos pinababa sa Quezon avenue at Kamuning Station.
Sa advisory ng MRT3 management, nagsasagawa na ng Immediate repair ang mga technician para kumpunihin ang naputol na catenary cable sa Guadalupe Station MRT-3. Ito ang nagsusuplay ng kuryente sa tren.
Gumagawa na rin ng kaukulang interbensiyon ang MRT3 management para magkaroon ng Provisional Service sa pagitan ng North Avenue at Shaw Boulevard Stations pagsapit ng alas dose mamayang tanghali.
Kasalukuyan na rin ang pagtatrabaho para maibalik ang Full Service sa pagitan ng North Avenue at Taft Stations bago mag ala singko mamayang hapon.
Sa sandaling maibalik na ang full operations ng MRT-3 magsasagawa ng imbestigasyon ang management kung bakit naputol ang catenary cable na nagbunsod ngayon ng matinding perwisyo sa publiko.