Napapakinabangan na ngayon ang labing-tatlong deepwells ng Manila Water sa iba’t ibang lugar para makatulong sa pagsusuplay ng tubig sa milyong consumers ng kumpanya.
Mahigit sa 15 na milyong litro ng tubig kada araw (MLD) ang karagdagang suplay na nakuha mula sa mga deepwells at tinatayang mas marami pang suplay ng tubig galing sa mga deepwells ang makukuha sa mga susunod na buwan.
Bago pa man patakbuhin ang mga bagong deepwells, higit sa 9 MLD na supply ang nanggagaling mula sa limang deepwells sa Curayao, Rodriguez.
Inaasahang aabot sa 30 MLD ang supply na manggagaling sa mga deepwells sa katapusan ng Marso ngayong taong ito.
Sa kasalukuyan, aabot sa 100-150 MLD ang kinakailangang karagdagang suplay ng Manila Water para sa mga customer nito kumpara sa alokasyon na 1600 MLD na nakukuha nito mula sa Angat Dam.
Sa ngayon ay 97 percent ng mga kostumers ng Manila Water ang may tubig na sa loob ng 8-12 oras na umaabot sa unang palapag ng mga kabahayan.
Patuloy pa ring isinasagawa ang mga operational adjustments at network solutions tulad ng paglalagay ng mga line boosters at paglalatag ng mga karagdagang linya upang mas maging tuloy-tuloy ang suplay ng tubig sa mga malalayo at matataas na lugar na sineserbisyuhan ng Manila Water.