Isang bagong plataporma para sa bukas at direktang komunikasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mamamayan ang inilunsad online ng Pamahalaang Panglungsod ng Dagupan, kahapon.
Ang programang “Bantay Dagupan: Sumbong kay Mayor” ay naglalayong tugunan ang mga hinaing, reklamo, at mungkahi ng mga Dagupeño sa tulong mismo ng mga department heads ng lokal na pamahalaan.
Sa temang “Boses Mo, Solusyon Natin,” nais pa umanong gawing mas episyente, mabilis, at tapat ang serbisyo publiko sa lungsod.
Ayon sa anunsyo, ang mga sumbong ay diretso nang idinudulog sa pamahalaang lungsod upang matiyak ang agarang aksyon at tamang tugon.
Sa pilot episode nito, idinulog ng mga residente ang usapin sa road elevation, double parking at problemang pagbaha sa Dagupan City na sinagot naman ng alkalde.
Inaanyayahan ang lahat ng mamamayan na makiisa at makibahagi sa live session upang sama-sama umanong maisaayos at mapaunlad ang lungsod.
Planong gawing regular kada alas dos ng hapon ang naturang plataporma upang maraming isyu, reklamo at solusyon ang matalakay. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









