
Hindi kapani-paniwala para kay House Committee on Human Rights Chairman Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante ang sinabi ni Vice President Sara Duterte na dumistansya sya sa administrasyon dahil sa korapsyon at palpak na pamamahala sa bansa.
Punto ni Abante, kung totoo ang rason ni VP sara ay sinabi nya sana ito habang sya ay miyembro pa ng gabinete ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. Bilang dating kalihim ng Department of Education (DepEd).
Ang totoo, ayon kay Abante, kumalas si VP sara sa administrasyon ng magsimula na ang imbestigasyon ng Kongreso sa kwestyunableng paggastos nya ng confidential and intelligence funds.
Diin ni Abante, batay sa timeline, malinaw na unti-unting lumayo sa administrasyon si VP duterte ng magsimula na ang panawagan na sya ay managot sa iregular na paggamit sa pera ng taumbayan.
Giit pa ni Abante, lumalabas din ngayon na ang pagtalikod ni VP Duterte kay Pangulong Marcos ay may kaugnayan sa maagang pagposisyon ng kanyang sarili para sa 2028 presidential elections.










