Mga dahilan sa pagtaas sa presyo at manipis na suplay ng manok sa bansa , inilatag ng Bureau of Animal Industry; BAI, itinangging kulang ang suplay ng manok!

Inilatag ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang ilang dahilan kung bakit tumaas ang presyo at manipis ang suplay ng manok sa bansa.

Paliwanag ni BAI OIC Dr. Reildrin Morales na ang kabuuang production lamang kasi ng bansa sa manok lalo na sa broiler ay nakabatay sa 2021 period kung kailan naka-lockdown ang maraming industriya.

Katumbas lamang aniya ito ng 346 milyon na mga itlog mula Enero hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon.


Dagdag pa ni Morales, ngayong nagbukas na ang halos lahat ng industriya tulad ng mga hotel at fastfood chain at bumalik na rin ang buying power ng mga consumer ay lumikha ito ng mataas na demand.

Pero, nilinaw ni Morales na hindi kulang ang suplay ng manok sa bansa, pero manipis lang talaga.

Maging aniya ang mga fastfood chain na nangangailangan ng manok ay ayaw lamang kumuha ng kasalukuyang suplay dahil hindi tugma sa kanilang pamantayan.

Ayon pa kay Morales, dahil na rin sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia kung saan nanggagaling ang suplay ng patuka na tumaas pa ang presyo kaya ang resulta ay mataas din ang presyo ng manok.

Kaugnay nito, siniguro naman ni Morales na kumikilos na ang pamahalaan partikular ang Department of Agriculture (DA) para matugunan ang pagtaas ng presyo ng mga poultry products na pinalala ng mababang produksyon na kung saan nakakaapekto sa mga mamimili at iba pang mga negosyo.

Facebook Comments