Inilatag ng Malacañang ang mga dapat at hindi dapat gawin sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Sakop ng MECQ ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal na ipinatupad na simula ngayong araw, August 4 hanggang August 18, 2020.
Ang mga may edad 21-taong gulang pababa at 60-taong gulang pataas, mga mahihina ang resistensya, may sakit, mga buntis ay hindi pinapayagang lumabas ng bahay.
Mahigpit na ipapatupad ang home quarantine sa lahat ng kabahayan.
Pinapayagan lamang lumabas ng bahay ay ang mga kukuha ng essential goods at services, nagtatrabaho sa mga industriyang pinapayagan pa ring mag-operate, at ang mga Authorized Persons Outside Residence (APOR).
Maaari pa ring gawin ang ilang aktibidad tulad ng outdoor walks, jogging, running, biking, religious activity (hindi hihigit sa limang tao), critical government services at authorized humanitarian activities.
Magkakaroon pa rin ng limitadong international flights.
Inirerekomenda ang shuttle services para sa mga empleyado.
Bibiyahe pa rin ang P2P transport, at pribadong sasakyan.
Mahigpit na ipinagbabawal ang mass gatherings, backriding, domestic flights, inter-island travel at pampublikong transportation.