Pinaalalahanan ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko ng mga dapat gawin bago, habang, at pagkatapos ng pagputok ng bulkan.
Ito ay sa harap ng patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Taal, na nananatili sa Alert Level 3.
Payo ng OCD, mahalagang maging pamilyar ang bawat isa sa mga senyales ng napipintong pagputok ng bulkan kabilang ang madalas na pagyanig ng lupa, at ang pagbabago ng kulay ng usok ng bulkan sa kulay abo.
Bago pa man maganap ang pagputok, ihanda na ang go-bag, alamin ang mga lugar na ligtas puntahan, at manatiling naka-monitor sa sitwasyon.
Sa pagkakataon naman na nagaganap na ang pagsabog ng bulkan, sumunod sa abiso ng awtoridad, at agad lumayo sa mga mapanganib na lugar tulad ng mga ilog at sapa na maaring daluyan ng lahar.
Pagkatapos naman ng pagputok ng bulkan, manatiling alerto at ingatan ang sarili at pamilya sa panganib na dulot ng volcanic ash.