Nagbigay si Pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong katangian na dapat hanapin ng mga Pilipino sa pagboto ng susunod na pangulo ng Pilipinas.
Sa one-on-one interview sa kanyang spiritual adviser na si Pastor Apollo Quiboloy, sinabi ng pangulo na dapat ay maawain, may malasakit at maunawain sa problema ng mga Pilipino ang susunod na lider ng bansa.
Ito aniya ang natutunan niya mula sa kanyang amang si Vicente Duterte na nagsilbing gobernador ng Davao noong 1960s.
Sabi pa ng pangulo, dapat ay isang abogado ang susunod na lider ng bansa para mas mabilis itong makapagdesisyon sa anumang isyu ng bansa nang naisasaalang-alang ang posibleng epekto o resulta nito.
At pangatlo, dapat na marunong sumuri sa karakter ng tao.
Paliwanag ni Pangulong Duterte, mahalaga na mahusay kumilatis ng karakter ng mga tao ang susunod na lider ng bansa dahil makatutulong ito sa pagpili niya ng magiging miyembro ng kanyang gabinete.
Una nang sinabi ng Malacañang na hindi mag-eendorso ng presidential candidate si Pangulong Duterte, maliban na lamang kung may mabigat na dahilan para gawin ito.
Magtatapos ang termino ni Pangulong Duterte sa Hunyo 30, 2022.