Wednesday, March 11, 2026

MGA DAPAT SURIIN BAGO BUMILI NG SUBIVIDED LOT, IPINAALALA SA SAN CARLOS CITY

Pinag-iingat ang publiko sa pagbili ng murang lupa, lalo na ang mga subdivided lot na inaalok sa San Carlos City, ngunit kulang sa legal na papeles at kinakailangang permit.

Ayon sa mga paalala mula sa City Planning and Development Office, may mga pagkakataon na tila maayos ang bentahan dahil may sukat na ang lote, may bakod, at may kontrata o resibo ng bayad. Dahil dito, nagiging kampante ang mga mamimili na lehitimo at kanila na ang lupang binili.

Gayunman, may mga kaso kung saan ang mga lupang ibinebenta ay wala pang sariling titulo, nananatili pa sa mother title, o kaya’y tax declaration lamang ang hawak na dokumento. Ipinaaalala rin na ang tax declaration ay hindi katumbas ng titulo at hindi sapat na patunay ng legal na pagmamay-ari.

Bukod dito, may mga subdivision project na wala pang Development Permit mula sa lokal na pamahalaan at wala ring License to Sell, na nangangahulugang hindi pa legal na pinapayagan ang pagbebenta ng mga lote.

Dahil dito, hinihikayat ang mga mamimili na magsagawa ng masusing beripikasyon bago bumili ng lupa. Kabilang sa mga dapat tiyakin ang pagkakaroon ng titulo, aprubadong subdivision plan, at mga kinakailangang permit mula sa mga kinauukulang ahensya.

Ayon sa tanggapan, sa pagbili ng lupa, hindi sapat na mura ang presyo—mas mahalaga ang katiyakan ng legal at ligtas na pagmamay-ari. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments