Ipinasasauli ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Education (DepEd) at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang ₱979 million na halaga ng overpriced ng mga biniling laptops.
Bahagi ito ng report ng Blue Ribbon Committee matapos ang limang pagdinig tungkol sa laptop procurement issue.
Inirerekomenda ng Blue Ribbon ang paghahain ng civil complaints laban kina DepEd Usec. Annalyn Sevilla, dating DepEd Usec. Alain del Pascua, dating DepEd Asec. Salvador Malana III, dating PS-DBM OIC Executive Director Lloyd Christopher Lao, dating PS-DBM OIC Executive Director Jasonmer Uayan at iba pang DepEd at PS-DBM officials na responsable sa kinahinatnan ng nasabing pondo.
Ang mga nabanggit na opisyal ang maghahati-hati para mabayaran sa pamahalaan ang P979 million na halaga ng overpriced ng laptop deal.
Batay rin sa Blue Ribbon Report, ang ₱979 million pesos ay itinuturing na proceeds of corruption at kailangang maibalik sa pamahalaan kung saan ilalagay ito sa special national trust’s fund.
Pinag-iisyu rin ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance laban kina Pascua, Sevilla, at Malana.