
Inimbitahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gaganaping pagdinig tungkol sa mga flood control projects sa Martes, September 23.
Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson, kabilang sa mga pinahaharap sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at retired DPWH Undersecretary Roberto Bernardo upang magpaliwanag sa mga ghost flood control projects sa panahon ng kanilang panunungkulan sa ahensya.
Tinukoy ni Lacson si Bernardo na nagtalaga kina dating DPWH-Bulacan District Engineer Henry Alcantara at Brice Hernandez sa Bulacan First District Engineering Office (DEO).
Mayroon din kasing lumabas na larawan ni Bernardo kasama ng tinaguriang “BGC boys” na mga DPWH officials na sangkot sa maanomalyang flood control projects na kinabibilangan nina Alcantara at Hernandez.
Samantala, si Bonoan naman ay appointing authority noong mga panahong iyon kaya dapat maipaliwanag nito kung paano nagkaroon ng ₱600 million cash deliveries mula kay Sally Santos ng Syms Construction papunta sa Bulacan DEO.








