Nagsama-sama ang mga dating opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Club Filipino sa San Juan City ngayong araw.
Layon nang pagtitipon na ipahayag ang kanilang pagsuporta sa panawagan ng pagkakaisa gayundin ng kabayanihan sa gitna ng mga kasalukuyang hamon na kinahaharap ng bansa.
Dito, sama-samang nagpahayag ng suporta ang mga dating mga heneral ng AFP at PNP sa panawagan ng administrasyong Marcos Jr. na magkaisa at sariwain ang diwa ng kabayanihan.
Sa gitna na rin ito ng mga hamong kinahaharap ng Pilipinas partikular na ang agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea (WPS) at ang pambu-bully ng China Coast Guard sa mga tropa ng militar sa kanilang pagsasagawa ng re-supply mission sa Ayungin Shoal.
Kabilang sa mga dumalo sina dating AFP Chief of Staff, Gen. Eduardo Oban; dating Navy Flag Officer-in-Command, VAdm. Alexander Pama; dating CIDG Director, PMGen. Samuel Pagdilao; dating Col. Ariel Querubin at iba pa.
Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta ang mga dating opisyal ng militar at pulisya sa isinusulong na layunin ni Col. Ariel Querubin na isang medal of valor at dating commander ng Western Command.
Ayon kay Querubin, na ang ginagawang panggigipit ng China sa West Philippine Sea ay isang malaking banta sa soberenya ng bansa at ang pamamayagpag ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ay nakaaapekto nang husto sa mga komunidad.
Sa nasabing pagtitipon ay dineklara ang kandidatura ni dating Col. Querubin bilang susunod na senador ng bansa sa 2025 midterm elections.