Mga dating miyembro ng MNLF at MILF, papayagang sumali sa PNP

Tatangapin ng Philippine National Police ang mga dating miyembro ng Moro National Liberation Front at Moro Islamic Liberation Front na nais sumali sa kanilang hanay.

Ito ay kung maipapasa nila ang requirements na itinatakda ng batas para maging kwalipikado sila sa pagiging pulis.

Ayon kay PNP Chief Police General Oscar Albayalde, handa silang tanggapin ang mga dating rebelde na magbabalik loob at gusto namang maglingkod sa gobyerno.


Paliwanag niya, magkaiba sila ng Armed Forces of the Philippines, dahil hindi sila tumatanggap ng “auxiliary” kung kaya kinakailangan na dumaan sa normal na proseso ang pag-recruit sa mga dating MNLF at MILF.

Matatandaan na nitong Hulyo, napagkasunduan nina Interior Local Government Secretary Eduardo Año, Bangsamoro Transition Authority Interim Chief Minister Ahod B. Ebrahim at Presidential Peace Adviser Carlito Galvez ang pagpapahintulot sa mga dating rebelde na sumali sa PNP.

Sa ngayon, isinasaayos  na ang paggawa ng  memo circular para sa pormal na implementasyon ng  kautusan.

Facebook Comments